Wednesday, March 10, 2010

Badge (Not) Honored


Ito ang sigaw ng ilang mga bus na minsan ay makikita mo bago ka sumakay. Minsan malaki, minsan ay kulay pula. Pero may ibang mga bus na wala nito.

Dati, hindi ko ito pinapansin. "Ano'ng badge yung iniisip nila?" ang tanong ko lagi sa sarili ko noon. Hanggang sa kaninang umaga lang, habang nakasakay sa bus e nakumpirma ko yung ibig sabihin.

May katabi kaming isang pulis na naka-uniporme na kasabay namin ng girlfriend ko na sumakay ng bus. Malamang ay kagagaling lang sa kanyang duty at pauwi na siya. Yung kundoktor e nasa unahan ng bus at nagsisimula na siyang mangulekta ng bayad.

Nang malapit na yung konduktor, kinuha ko na yung aking pamasahe at hiningi ko rin yung pamasahe ng girlfriend ko. Tinignan ko siya kung magbubunot siya ng pera niya para pambayad.

Hindi siya gumalaw. Feeling ko e nasa trance siya o kaya e iniisip niya na nasa duty pa rin siya.

Pagdating niya, binigay ko na yung bayad namin. Saktong pera lang at barya kasi umaga nun. Pagkatapos namin ay yung ibang mga katabi ko. Pagdating niya sa pulis, hindi niya hiningi yung bayad niya.

Uulitin ko uli.

HINDI NIYA HININGI YUNG BAYAD!

Nadagdagan pa ito.

May isang lalake na parang nakapambahay o parang nakabihis-karpintero na nakaupo sa harap niya at malapit lang sa akin. Pagdating ng konduktor sa mamang yun, naglabas lang ng kanyang pitaka at pinakita niya ang kanyang ID sa konduktor. Nakita ko ang kanyang ID, pero hindi ko sigurado kung may nakita akong PNP logo. Nang makita ito, hindi na hiningi yung kanyang bayad.

Sa aking pagbaba, napaisip kami:

BAKIT HINDI NAGBABAYAD ANG MGA PULIS, O KAYA ANG MGA NASA MILITAR?

Binabayaran ba ng mga HQ ng mga pulis o mga sundalo yung mga bus? Kasi itong mga konduktor na ito ay nagtatrabaho ng husto para lang kumita at merong maiuwi sa kani-kanilang mga pamilya. Ang bawat sentimo o pera na hindi binabayaran ng mga pulis kapag sila ay nakasakay sa bus ay paniguradong binabayaran ng mga konduktor na ito. Kawawa naman sila.

BAKIT GANON ANG MGA PULIS?!?! MAGBAYAD SANA KAYO SA KANILA!


Nawa'y may bigay ng liwanag sa tanong na ito.

No comments:

Post a Comment